ISINIWALAT ng pinuno ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nag-abogado si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa ni-raid na ilegal na Philippine offshore gaming operator (POGO) na Lucky South 99.
Sa isinagawang pagdnig ng Senate committee na dumidinig sa POGO, sinabi ni Pagcor chief Alejandro Tengco, na nagtungo si Roque sa kanyang tanggapan noong Hulyo 2023 para i-lobby diumano ang unpaid arrears at lisensiya ng Lucky South 99.
Kasama pa umano ni Roque ang may-ari ng nasabing POGO na si Cassandra Lee Ong nang bumisita ito sa kanyang tanggapan.
Pahayag pa ni Tengco na hiniling umano ni Roque sa kanya na payagan ang POGO na bayaran ang kanilang arrears para sa anim na buwan na nagkakahalaga ng $500,000, na ayon pa kay Roque ay binayaran kay Dennis Cunanan na dating deputy director general ng Technology and Livelihood Resource Center (TLRC).
Ayong kay Tengco, hindi umano nakarating ang sinasabing bayad.
Iginiit din nito na hindi umano siya pinilit ni Roque.
Kamakailan lang ay ni-raid ang Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.