ISINULONG ni Sen. Robinhood Padilla ang paggamit ng cable cars para umano matugunan ang trapik sa Metro Manila.
“Meron pong isang nauuso ngayon na kung tawagin po nila ay ropeway. Ito po ang paggamit ng cable. Nais ko din po sana na maimungkahi po sa inyo na ito ay bagay din sa Pilipinas lalong lalo na sa Metro Manila dahil sa trapik,” sabi ni Padilla.
Idinagdag ni Padilla na ginagamit na ang cable car bilang alternatibong transportasyon sa Medellin, Colombia noong 2004.
Iginiit ni Padilla na hindi uunlad ang bansa kung ang trapik ay masama.
“Noong ako ay nasa first year ng Criminology, pinag-uusapan po namin ang trapik. Yan ang isa sa mga subject diyan na sinabi doon na kapag ang trapik natin ay masama, ang pag-unlad ng isang bansa ay masama din,” aniya.