Rendon umiyak, nagmakaawa sa taga-Coron

NAG-public apology ang mga social media personalites na si Rendon Labador at Rosmar Tan sa mga opisyal ng Coron, Palawan sa ginawa nilang pambu-bully sa isang kawani ng munisipyo kamakailan.

Ani Rendon, sana ay mabigyan pa sila ng isang pagkakataon para makaapak sa lugar.

Nangyari ang pagmamakawa matapos silang hainan ng resolusyon para ideklarang persona non grata sa Coron.

Sa isang TikTok video, humarap sina Rendon, Rosmar at ang “Team Malakas” para ihingi ng tawad ang panunugod, pagsigaw at panduduro sa isang staff ng Vice Mayor’s Office na naglabas ng saloobin sa kanyang personal social media account ukol sa charity event ng “Team Malakas.”

Nabanggit ni Rosmar na malugod nilang tinatanggap kung anuman ang magiging hatol sa kanila ng konseho ng Coron.

“Kung tingin niyo yun po, maluwag po naming tatanggapin ‘yung parusa po niyong iyon,” ani Rosmar.

Dagdag ni Rendon: “Kung ito man po ay matutuloy, gusto ko lang po na hilingin sa iyo mayor na sana bigyan n’yo pa ako ng huling pagkakataon na makadalaw sa Coron dahil po napangako ko po sa aking pamilya na ipapasyal ko po sila sa Coron para makita ko po silang maging masaya.”