ILILIPAT na sa Pasig City Jail si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy, ayon sa utos ng Regional Trial Court.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, mula sa Philippine Heart Center kung saan naka-confine si Quiboloy, ay dadalhin ito sa Pasig City Jail alas-4 ng hapon ngayong Miyerkules.
“Pursuant to an order issued by RTC (Regional Trial Court) Pasig today Nov. 27 by 4 p.m. we expect that we will be transferring the custody of Apollo Quiboloy to the Pasig City Jail pursuant to the court order issued,” ayon kay Fajardo.
Mula noong Sept. 8, nakadetine si Quiboloy sa PNP Custodial Center matapos ang pagka-aresto sa kanya sa KOJC Compound sa Davao City.
Nanatili siya sa Crame habang hinihintay ang desisyon ng korte hinggil sa hospital o house arrest na inihaing petisyon ng kanyang mga abogado.
Nitong Nov. 22, nagdesisyon ang korte na ilipat si Quiboloy sa Pasig City jail.
“We welcome the order issued by the court and because it definitely entails financial and human resources whenever we escort him to the hospital or to the court. So definitely this will ease the burden on the part of the HSS (Headquarters Support Service) in providing security escort every time he needs to go out of Camp Crame,” dagdag pa ng opisyal.
Nahaharap si Quiboloy sa non-bailable case na qualified human trafficking, child at sexual abuse.