TULOY ang byahe ng mga jeepney driver na hindi pa rin nakapgpa-consolidate ng kanilang prangkisa sa mga kooperatiba o korporasyon kahit tapos na ang deadline na ipinatupad ng pamahalaan sa ilalaim ng PUV modernization program.
“Tuloy pa rin kaming magsasakay ng aming mga pasahero sa aming mga ruta dahil binigyan naman kami ng LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) ng isang buwang palugit,” ayon kay Mody Floranda, pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston).
“Kung may kalituhan sa pagpapatupad nito, hindi na namin problema yun,” aniya pa kasabay ang panawagan sa lahat ng mga tsuper na patuloy pa rin na bumiyahe.
Noong Dis. 22, naglabas ng Memorandum Circular No. 2023-052 ang LTFRB na pinapayagan ang mga PUVs na hindi pa nakapagpa-consolidate ng kanilang prangkisa sa kabila ng deadline ay maaari pa ring bumiyahe sa mga piling ruta hanggang Enero 31, 2024.