IDINEKLARA na rin bilang “persona non grata” sa Maynila ang drag artist na si Pura Luka Vega dahil sa kontrobersyal na performance nito sa “Ama Namin” habang nakabihis bilang Nazareno.
Inaprubahan ng Manila City Council ang resolution nito na nagpapataw bilang “persona non grata” kay Vega nitong Martes, Agosto 8.
Dahil dito, hindi na “welcome” sa Maynila ang drag artist, ayon sa resolution na isinulong ni Konsehal Ricardo “Boy” Isip (5th district).
Ito ay bunsod sa ginawang pambabastos sa “Ama Namin” at sa imahe ng Nazareno.
“Ito pong taong ito ay walang habas at di man lang pinag-isipan ang kanyang ginawa… Isang kalapastanganan po ang kanyang ginawang palabas. Hindi po dapat itong palagpasin kasi pag pinalagpas natin ito, baka maparisan po ito. Kailangan na po nating gumawa ng aksyon,” pahayag ni Isip.
Sinusugan din ito ng ibang miyembro ng konseho.
“Kung gusto mong makatanggap ng respeto, respetuhin mo ang sarili mo,” pahayag naman ni Konsehal Ruben Buenaventura (2nd District).
Ang Maynila ang ika-apat na local government unit na nagdeklara sa artist bilang persona non grata. Ang tatlong iba pa ay ang General Santos City sa South Cotabato, Floridablanca sa Pampanga, at sa bayan ng Toboso sa Negros Occidental.