WAPAKELS ang drag queen na si Pura Luka Vega kahit ilang “persona non grata” title pa ang ibigay sa kanya ng iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa isang video post na ibinahagi ni Jordy Rae Jepsen, tila naghahamon pa si Pura sa iba pang mga local government units na ideklara siyang “persona non grata” dahil sa kanyang kontrobersyal na performance bilang Jesus Christ sa saliw ng rock version ng “Ama Namin”.
“Ito lang masasabi ko, simplehan lang natin ha. Lahat tayo makasalanan. Tama? Hindi tayo perpekto. Tama? Ganunpaman, do unto others what you want others to do unto you. Okay? Do not do to others what you do not want others to do unto you. Golden rule lang po iyon,” ani Pura.
“So, para sa mga ibang lugar na gusto pa mag persona non grata diyan. dagdagan niyo pa! Pakialam ko. [There’s] separation ng church at ng state,” hirit pa nito.
Nito lang Martes, nadagdag sa listahan ng mga local government units ang Bohol na nagdeklara kay Pura bilang “persona non grata.” Nauna na siyang binansagan nito sa Occidental Mindoro, Laguna, Dinagat Islands, Cagayan de Oro, Nueva Ecija, Bukidnon, Cebu City, Manila, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso s Negros Occidental, at Mandaue City.
Bukod dito, nahaharap din siya sa dalawang kasong kriminal na isinampa ng Philippines for Jesus Movement at Hijos del Nazareno-Central.