Pupil nagtinda ng gulay, na-late sa pagtanggap ng medal

NAHULI nang dating sa closing exercise ng paaralan ang isang elementary pupil sa Valencia City, Bukidnon dahil kinailangan pa niyang tulungan ang ina sa pagtitinda ng gulay.

Sa Facebook post, ikinuwento ni teacher Delia Buaya, na tapos na ang programa nang dumating sina Vivilyn Sagmao at ina nito sa Lilingayon Central School.

Sinabi ng guro na naglako pa ang mag-ina bago dumalo sa ceremony.

Sa katunayan, bitbit pa nila ang palanggana na naglalaman ng kanilang paninda.

Nakapambahay din ang bata dahil walang pambili ng maisusuot.

Gayunpaman, sinabitan pa rin ng guro ng medalya ang bata na kabilang sa mga “with honors” awardee ng kanilang klase.

Samantala, nagpasalamat naman ang mag-ina sa tulong na kanilang natanggap mula sa mga netizens dahil sa post ni teacher Delia sa Facebook.