NAHAHARAP sa reklamong physical injuries at grave threats ang panganay na ank ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ngayon ay Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa Department of Justice.
Ito ay matapos siyang ireklamo ng isang negosyante na diumano’y kanyang binugbog at tinakot noong Pebrero 23 sa loob ng isang bar sa Davao City.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon ang isinampang reklamong paglabag sa Article 265 at 282 ng Revised Penal Code laban kay Pulong.
Sa kanyang sworn statement, sinabi nito na tinakot siya ng kongresista at binugbog siya sa loob ng dalawang oras.
“At hineadbutt niya ko sa ulo ng maraming beses at ako ay humihingi sa kanya ng patawad kung ano man ang nagawa kong mali sa kanya ngunit patuloy pa rin siya na hineadbutt ang aking ulo at inuundayan niya ulit ako ng kutsilyo,” ayon sa complainant.
Pinapatay pa umano ni Pulong ang CCTV sa loob ng bar.
“Halos 2 hours niya akong sinaktan sa loob ng bar. Suntok, sampal, tadyak, ang aking inabot kay Paolo Duterte dahil sa galit niya sa akin,” dagdag pa ng complainant.
Anya, binigyan umano ni Pulong ng P1,000 sa kada suntok sa kanya.
Iginiit niya na hindi siya agad nagpatingin sa doktor at naghain ng reklamo dahil sa sobrang takot.