HINATULAN ng Navotas City Regional Trial Court na mabilanggo ng hanggang anim na taon ang isang police staff sergeant kaugnay sa pagpatay kay Jerhode “Jemboy” Baltazar, ang teenager na biktima ng mistaken identity, noong Agosto 2023.
Napatunayan ng korte na nagkasala si SSgt. Gerry Maliban sa kasong homicide dahil ito ang unang nagpaputok ng baril habang napawalang-sala si SSgt. Antonio Bugayong.
Guilty naman ang hatol kina Executive MSgt. Roberto Balais, SSgt. Nikko Esquilon, Cpl. Edmard Jade Blanco at Pat. Benedict Mangada sa kasong illegal discharge of firearms.
“This is a story of hot pursuit operation that ended in tragedy. The death of Jerhode ‘Jemboy’ Baltazar, who is not the suspect, could have been avoided had a police officer applied self-restraint, for a police officer is not justified in shooting a person just because that person did not heed his call to surrender,” ayon sa desisyon ng korte.
Sinabi ni Branch Clerk of Court Anne Kathryn Castro-Diaz na ang apat na pulis na na-convict sa illegal discharge of firearms, na may parusa na anim na buwan at isang araw, ay maaaring palayain kung nakulong na sila nang mas mahaba sa kanilang sentensya.
“Kung lalampas na po, yes po. Makakalaya na po yung 4 po,” aniya.
Pinaliwanag ni Castro-Diaz na napawalang-sala si Bugayong dahil hindi napatunayan na nagpaputok siya ng baril.
“Kasi ‘yung apat ay admission na sila nagpaputok ng baril–‘yung fate ng victim galing lang sa isang baril. Hindi napatunayan na nagpaputok si Bugayong Jr.,” pahayag niya.
Dismayado naman ang pamilya Baltazar sa desisyon ng korte dahil mas mabigat na parusa ang inaasahan nila para sa pumatay kay Jemboy. Matatandaang pinaulanan ng bala ng mga pulis si Jemboy at kasama nito na noon ay naglilinis ng bangka sa Navotas River.