DEAD on the spot ang isang pulis na tinangkang disarmahan ang lalaki na may nakasukbit na baril sa beywang sa palengke sa Parang, Maguindanao del Norte nitong Huwebes.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at ulo si Capt. Roland Moralde ng 14th Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-Bansgamoro Autonomous Region.
Napatay rin ng mga rumespondeng alagad ng batas ang suspek na si Mohiden Ramalan Untal nang manlaban ito.
Ayon sa ulat, dumadaan si Moralde sa palengke sa poblacion nang maispatan nito si Untal na may bitbit na baril.
Tinangkang kapkapan ni Moralde ang suspek pero mabilis na binunot ng huli ang baril at pinaputukan ang pulis.
Bago bumagsak sa kalsada ay nagawang makaganti ng putok ang pulis at tinamaan ang suspek sa katawan.
Sinubukan pang tumakas ng suspek pero nakorner ito ng iba pang pulis at barangay tanod.
Pinaputukan ang suspek nang itutok nito ang kanyang baril sa mga otoridad.