Pulis-NAIA nanghipo ng beauty queen, kulong

HIMAS-rehas ang miyembro ng PNP-Aviation Security Group na umano’y nanghipo sa beauty queen na si Ahtisa Manalo sa NAIA Terminal 3.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11313 o Safe Places Act (Bawal Bastos Law) at kasong administratibo ang suspek na si Pat. Alvin Bonales.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Manalo na dumating siya sa airport mula Boracay nitong Biyernes ng gabi.

Habang naghihintay ng sundo ay naramdaman niya na may humimas sa kanyang likuran.

Agad humingi ng tulong sa otoridad si Manalo at nang ribesahin ang CCTV footage ay nakita si Bonales na lumapit at humawak sa beauty queen.

Agad iniutos ni PNP-ASG chief Col. Rhoderick Campo ang pag-aresto sa pulis.

Si Manalo, na itinanghal na first runner-up sa Miss International 2018, ay pamangkin umano ni Interior Undersecretary Margarita Gutierrez.