MAGSASAMPA ng reklamo ang pulis na pinagalitan at ipinahiya ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Strike Force chief Gabriel Go sa isang operasyon kamakaialn sa Barangay Teachers Village sa Quezon City.
Ayon kay National Police Commission (Napolcom) officer Ralph Calinisan, magsasampa ng reklamong paglabag sa Data Privacy Act si Quezon City Police District Captain Mann Felipe laban kay Go.
“There is deep injury to the police organization caused by the acts of Go,” ayon kay Calinisan na tutulong umano sa pagsasampa ng kaso laban sa opisyal ng MMDA.
Nag-ugat ang isyu dahil sa viral video kung saan pinagalitan at ipinahiya ni Go ang pulis na nahuli dahil sa ilegal parking.
Makikita sa video ang mabilis na paglilipat ng pulis sa kanyang motorsiklo na ilegal na naka-park. Ilang beses din itong humingi ng paumanhin dahil sa kanyang pagkakamali, ngunit patuloy pa rin siyang pinagalitan at sinermunan ni Go.
“Nagkamali yung pulis natin, natiketan na, nag-sorry naman na, sana hindi na pinahiya,” ayon sa pahayag ng Napolcom.