PINAYUHAN ni National Water and Resources Board (NWRB) Executive Director Sevillo David ang publiko na magtipid ng tubig bunsod ng kinaharap na El Niño phenomenon sa bansa.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni David na sa ngayon ay nasa 204.63 metro pa ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Bagamat mas mataas ang lebel ng tubig ng Angat Dam sa 180 metro minimum operating level nito, hindi pa rin dapat magpakakampante ang publiko lalo pa’t nagbabadya ang epekto ng El Niño.
Una nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kaugnay ng pagsisimula ng El Niño sa Hulyo 2023. Sinusuplayan ng Angat Dam ang mahigit 90 porsiyento ng kinakailangan ng Metro Manila.