Priscilla Mireilles nadukutan sa BGC grocery

NATANGAY ng grupo ng mga mandurukot ang cellphone ng misis ni John Estrada na si Priscilla Mireilles habang naggo-grocery ito sa The Marketplace sa Uptown Mall sa BGC.

Sa Facebook video, sinabi ni Mireilles na naganap ang insidente habang nagla-live streaming siya sa loob ng grocery kasama ang anak na si Sammanta Anechka noong Biyernes ng gabi.

Agad namang inireport sa pulisya ng dating beauty queen-model ang pandurukot upang ma-review ang CCTV footage na kuha sa grocery para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Ani Mireilles, nagawang makuha ng mga kawatan ang cellphone makaraan siyang palibutan at siksikin ng mga suspek, kabilang ang isang matandang babae at isang lalaki.

Gayunman, sinabi niya na nakunan niya sa video ang mga suspek.

“Kahit nakamask kayo I will find you. Malas nyo ako yung pinaTARGET nyo. Nakuha kayo lahat sa cctv. Ang malas nyong ninakawan ako,” sabi ni Mireilles.

Sa kasalukuyan ay hinihintay ng misis ni Estrada ang update mula sa mga otoridad. “Will wait for further advice from BGC police department and uptown mall security regarding the indentification of the suspects. The goal is to catch them,” wika niya.