HUMIRIT ang mga manufacturers ng tinapay, sabon panlaba at canned meat na itaas ang presyo ng kanilang mga produkto dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga sangkap nito, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
“We have already received some requests from manufacturers for price increase or price adjustment,” ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo sa isinagawang launching ng e-Presyo platform nitong Huwebes.
Meron din umanong nakabinbing hiling na itaas ang presyo ng instant noodles.
Nauna nang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na minomonitor ng DTI ang presyo ng mga sangkap sa mga nasabing produkto kabilang na ang wheat na pangunahing input sa paggawa ng tinapay, na nagtaasan.
Bukod sa wheat, nagmahal na rin ang presyo ng palm oil na gamit din sa paggawa ng tinapay.
Ayon kay Lopez, kailangan pag-aralan muna ang request na price hike.