SINABI ni Philippine Egg Board Chairman Gregorio San Diego na tumaas ang presyo ng itlog sa mga pamilihan kung saan umabot na sa P9.60 kada isa ang medium na itlog.
Sa isang panayam sa radyo, idinagdag ni Philippine Egg Board Chairman Gregorio San Diego na maraming manok na nangingitlog sa Central Luzon ang pinatay matapos namang tamaan ng bird flu.
“Nitong nakaraang taon, ang dahilan ay nabawasan ang suplay dahil maraming nagkasakit na layer dahil sa bird flu,” sabi ni San Diego.
Idinagdag ni San Diego na apektado rin ng bird flu ang maraming bansa sa buong mundo kung saan inaangkat din ang mga breeder.
“Sa Batangas, ang average ngayon ng medium na presyo ay P6.70 hanggang P7.20 kaya nagulat kami, may P9.6 na ngayon sa retail,” sabi ni San Diego.
Aniya, inaasahang matatagalan pa bago bumaba ang presyo ng itlog.
“Sa Amerika, apat na doble ang presyo ng itlog.. Ini-import natin ang magulang ng nangigitlog, ang haba ng cycle ng layer. Iimport mo, aalagaan mo ng anim na buwan, tapos yung itlog noon, yun ang palalakihin mo para mangitlog kaya isang taon ang halos cycle,” dagdag ni San Diego.