TUMAAS ang presyo ng mga gulay mula P10 hanggang P40 kada kilo, ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista.
At ito ay dulot ng Severe Tropical Storm Paeng na nakaapekto sa maraming pananim, dagdag pa pa ng opisyal.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Evangelista na apektado rin ang suplay ng gulay dahil sa mga nasirang mga kalsada.
“Sa ngayon based on our monitoring, yung ating high land and low land vegetables, yung mga dinadala sa trading post, na siya namang dinadala dito sa Metro Manila, nag-decrease yung volume,” sabi ni Evangelista.
Idinagdag ni Evangelista na dahil sa limitadong suplay, tumaas ang presyo ng mga gulay mula P10 hanggang P40 kada kilo.
Sakabila nito ay unti-unti na rin umanong nadaragdagan ang suplay ng gulay sa mga trading post kaya umaasa siya na magbababa na rin ng presyo ang mga ito sa mga susunod na araw.
“Since nadadagdagan na muli ang volume ng gulay sa trading post at presyo sa trading post ay unti-unti na ring bumababa ang presyo sa palengke at dapat kung merong increase umabot na ng P30 hanggang P40 dapat bumaba yan ng P10 to P20 (kada kilo) until we are back to are pre-typhoon prices,” sabi ni Evangelista.