SINABI ng isang fish traders’ group na dapat asahan na ng publiko ang mas mataas pang presyo ng galunggong sa mga susunod na araw dahil sa kakulangan ng suplay.
Ito ay dahil na rin sa ipinatutupad ngayon ng pamahalaan na fishing ban mula Nobyembre 1 hanggang Enero 2023
Sa isang interview sa DZBB, sinabi ni Association of Fresh Fish Traders of the Philippines President Roderick ‘John John’ Santos na 90 porsiyento ng isda na sinusuplay sa mga palengke sa Metro Manila at Luzon ay galing sa karagatan ng Palawan.
Ipinatutupad ang fishing ban para magpadami muli ng mga isda.
Ayon kay Santos, bagamat makatutulong ang gagawing importasyon ng 25,000 metric tons ng frozen galunggong, at iba pang isda, inaasahang tataas pa rin ang presyo nito.
“Inaasahan ang bahagyang pagggalaw sa presyo ng galunggong,” sabi ni Santos.
Idinagdag ni Santos na may opsyon naman ang mga mamimili na bumili ng tilapia at bangus na pupuno sa kakulangan ng suplay ng galunggong.
Base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) naglalaro sa P180 hanggang P260 kada kilo ang presyo ng galunggong sa mga palengke.