PUMALO sa P75 per kilo ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa Bicol, ayon sa grupong Bantay Bigas.
Sa report ng Philippine Star, sinabi ng spokesperson ng grupo na si Cathy Estavillo, naglalaro sa P60 hanggang P75 ang kada kilo ng bigas sa rehiyon.
Ito ay sa kabila ng ulat ng Philippine Statistics Authority na ang palay production nitong nakaraang 2023 ay tumaas ng 20.05 milyon metriko tonelada kumpara sa 19.75 MT na naitala noong 2022.
Ayon kay Estavillo, hindi nila ramdam ang pagtaas ng palay production dahil ang retail prices ng bigas noong 2023 ang siyang pinakamataas sa nakalipas na 14 taon.
“As far as the supply is concerned, we have a lot of supply (of rice) in the markets. The problem is the high retail prices. The lowest retail price in Metro Manila markets is P54 per kilo,” ayon pa kay Estavillo.
Sa monitoring ng Department of Agriculture, ang retail price ng lokal na regular milled rice ay umakyat na sa P53 kada kilo; habang ang local well-milled rice naman ay P55; local premium rice, P60; local special rice, P68; imported well-milled rice, P56; imported premium rice, P62, at imported special rice, P65.