LALO pang tumaas ang presyo ng asukal sa mga pamilihan kung saan may ilang ibinibenta ito ng P115 hanggang P120 kada kilo, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa isang panayam sa DZBB, sinabi ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista na nakatakda ring ipalabas ang suggested retail price (SRP) sa asukal matapos ang nakatakdang konsultasyon sa mga biyahero at tindera sa Miyerkules.
“Meron nga pong ibang palengke sa aming pagmomonitor sa araw-araw, meron kaming nakitang P115 hanggang P120 kada kilo,” sabi ni Evangelista.
Idinagdag ni Evangelista sakaling ipatupad ang SRP, nakatakdang magpalabas ng show cause order sa mga nagtitinda na lalagpas ang presyo.
Nauna nang sinabi ng DA na inisyal na target na maipatupad ang P90 SRP sa presyo ng asukal.