NAIS busisiin ni Senador Sherwin Gatchalian ang tila pagmaang-maangan ng alkalde ng Porac, Pampanga hinggil sa operasyon ng ilegal na POGO hub sa kanyang lugar.
Dapat umanong suspendihin si Porac Mayor Jing Capil habang iniimbestigahan ang ilegal na POGO operation sa kanyang nasasakupan.
“Unang tanong ko paano nakalusot sa LGU at barangay. Ang mayor may malawak na kapangyarihan,” pahayag ni Gatchalian.
Matatandaan na nitong unang bahagi ng buwan, sinalakay ng mga miyembro ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isang compound ng POGO, na may 40 gusali.
Mariing itinanggi ni Capil na wala siyang kinalaman sa ilegal na operasyon ng POGO.
Ngunit hindi anya naniniwala si Gatchalian sa pagtanggi ng alkalde lalo’t may sapat naman itong kapangyarihan para ma-inspeksyon ang nasabing business area.
“Hindi puwedeng alisin ng LGU ang knailang accountability lalo na sa ganitong scheme dahl 2,000 dayuhan ang pumapasok at lumalabas sa lugar, dapat nagdududa ka na,” dagdag pa ng senador.
“Dapat ma-suspend siya… We have to bring it to the Ombudsman and ako ang recommendation ko tingnan na rin ang accountability ng mayor sa Porac dahil nakikita natin merong negligence dahil pinabayaan niyang mangyari ito sa kanyang lugar. Kung naging proactive siya dapat hindi na umabot sa ganito kalaki,” giit pa ng senador.