PolPhil Party: New kid on the block

KAHIT hiwalay na ang Marcos-Duterte coalition nitong Valentine’s Day, nagkabalikan naman ang mga dating magkakasama sa pakikibaka noong panahon ng Marcos dictatorship.

Kasi, imbes lapatan ng kongkretong solusyon ang pinakamabagal na 5.6% ang ekonomiya since 2011 (GDP, Ibon Foundation 1/31/24) at 48% o 13.2 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing mahirap sila (SWS Survey Sept 28-Oct 1, 2023), Maharlika Investment Fund ang inilalako, palakihan ng confidential at intelligence funds (CIF) ang inaatupag at bisi-bisihan sa kani-kanilang makasariling agenda ang Marcos at Duterte camps na may kanya-kanyang dirty operations o nagpapaputok ng mga baho para ilaglag ang isa’t isa.

Kaya habang nagbabakbakan at nahahati ang Marcos – Duterte ruling political clans,  eto at nabubuo ang bagong political party na pinu-push ang  kapayapaan at legit na pag-asenso ng Pilipinas. 

Marami sa mga dating matatalas na aktibista at bigating kadre ng national democratic movement ay naging political officers at handlers ng mga mambabatas, gabinete at local government executives,  habang marami rin ang nagsimula at leading lights civil society (people’s organizations at non-government organizations.

Coincidence ba na ang mga dating pinuno ng CPP-NPA-NDF ng rehimen ng US Marcos Sr noon,  ay nag-volt in ulit sa rehimen naman ng US-Marcos Jr ngayon? 

Pero ang kakaiba, nag-factor in din ang impluwensiya ng yumaong MMDA Chair Danny Lim, dating Reform the Armed Forces Movement (RAM) coup plotter vs then President Cory Aquino and Magdalo putchist vs ex-Pres. Gloria Arroyo.

Kasama rin sa PolPHIL ang ibang dating rebel security forces.

Kaya kung hindi ako nagkakamali, ito ang unang political party sa Pilipinas na binubuo ng mga pwersa mula sa extreme right hanggang sa extreme left.

Interesting.

Parehong nilalabanan ang corruption at pagsasamantala ng mga nasa poder sa madlang pipol.

Parehong nagsusulong ng pagbabago batay sa kanilang perspectives, ideologies at visions of society and government.

Pinangunahan ni Lim ang pagbubuo  ng Political Officers League of the Philippines (POLPhil) nung 2019 na nagtutulak ng kapayapaan at adbokasiya laban sa katiwalian sa pamahalaan.Nitong nagdaang Sabado, January 10, ni-launch ang People’s Progressive Humanist Liberal Party (PolPHIL) sa Bahay ng Alumni sa University of the Philippines, Quezon City.

Kumikinang sa husay, galing, dedikasyon, integrity, pagiging makamasa at visionaries ang Council of Elders (CoE) na pawang naging political prisoners.

Nangunguna na riyan ang dating pari at naging parte ng National Democratic Front na si Edicio Dela Torre na tumatayong Chairman Emeritus ng PolPHIL Party.

Founder siya ng Education for Life Foundation, haligi ng Movement for Popular Democracy (MPD), former Director General ng Technical Education and Skills Development (TESDA), at kasalukuyang presidente at vice chairperson ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) at co-convenor ng Atin Ito Coalition na nagtataguyod ng sovereignty claims sa South China Sea. 

Nung ako ay nasa community organizing and development work, si Ka Ed ay myembro ng Board of Directors ng aming NGO – ang People’s Foundation of Organizers for Community Empowerment (People’s FORCE Inc).

Kasama rin sa Council of Elders si Bishop Nilo Tayag, co-founder ni Jose Maria Sison at iba pa,  ng Kabataang Makabayan 1964, at founding member din ng National United Front for the Kingdom of God and Filipinism (NUF-KGF).

Pasok din si Rodolfo Salas alias Kumander Bilog, dating Chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) at naging pinuno ng New People’s Army.

Pinalaya siya ni Gloria Arroyo at inappoint na pangasiwaan ang Pampanga Electric Cooperative (PELCO) at nagsilbing chair ng National Electrification Administration (NEA), aktibo sa cooperative movement at micro-entrepreneurship sa Central Luzon.

Isa pa sa kinilalang mandirigmang cadre na kasama sa Council of Elders si Nilo Dela Cruz na dating chair ng Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas – Alex Boncayao Brigade at kasalukuyang labor consultant.

Kwento ni Ka Ed, lalahok sila sa election at itataguyod ang long and lasting peace bilang advocacy.
Dagdag pa niya, pangunahin din nilang agenda ang “nation-building, next-generation leaders development at pagyayamanin din ang digital generation.”

Sa kanilang statement, sinabi ng PolPHIL Party na sa diwa ng inclusivity, handa silang makipag-collaborate para sa darating na 2025 midterm polls at 2028 national elections.

Ito’y sa kondisyong itutulak ang mga agenda na nakasentro sa kapakanan ng taumbayan, at nakatutok sa mga syu o usapin at hindi personalidad gaya ng pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, ekonomiya, pangkultura at pampulitika.

Alam na this. 

Welcome sa Philippine politics, PolPHIL Party.