HINIMOK ni Senador Grace Poe na pakinggan ang mga hinaing ng mga maliliit na tsuper at operator bago tuluyang isara ang palugit na ibinigay para sa consolidation ng kanilang mga prangkisa kaugnay sa ipinatutupad na Public Utility Vehicle Modernization Program.
“It’s not too late for transportation officials to listen to the woes of small drivers and operators,” pahayag ni Poe sa kalatas sa gitna nang ikinasang tatlong araw na kilos-protesta ng mga transport groups.
Ayon sa senador, meron pa ring nananatiling “unresolved issues” na dapat tugunan hinggil sa jeepney modernization program, gaya ng presyo ng behikulo, source of funding at maging ang ruta.
“Wala namang tsuper ang ayaw magkaroon ng bagong jeepney na aircon, mas bago at environment-friendly. Pero kakayanin bang bayaran ang jeepney na higit isang milyon ang halaga?,” sabi ni Poe na chair ng Senate committee on public services.
Nagpahayag ng pangamba si Poe na posibleng magkaroon ng kakulangan sa jeepney sakaling mabigo ang mga kooperatiba at korporasyon na makakuha ng sapat na unit. Kinuwestyon din nito ang kasalukuyang ruta kung sapat ba at mako-cover ba ito lahat ng mga modernong jeepney.
Magtatapos bukas, Abril 30 ang deadline ng konsolidasyon ng mga tradisyunal na jeep sa mga kooperatiba at korporasyon.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na hindi na palalawigin ang deadline.