DAPAT ipatigil ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng public utility vehicle (PUV) Modernization Program ngayon na nasa gitna ng kontrobersya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil sa alegasyon ng korupsyon, ayon kay Senador Grace Poe.
Naniniwala si Poe, chairperson ng Senate committee on public services, na dapat munang maresolba ang isyu na kinakaharap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa alegasyon ng korupsuon bago ituloy ang PUVMP.
“In light of the alleged corruption in the LTFRB, we call on the Department of Transportation to suspend the implementation of the PUV Modernization Program (PUMP) until all issues hounding it are resolved,” pahayag ni Poe sa isang kalatas.
“Hindi na nga makausad nang maayos ang PUV modernization program dahil sa iba’t ibang isyu, nabahiran pa ng korapsyon,” dagdag pa ng senador.
Anya, dapat panagutin ang mga opisyal na sangkot sa korupsyon na siyang naglalagay sa pangit na estado ang programa ng pamahalaan para sa transport sector.
Ginawa ni Poe ang pahayag matapos sibakin ni Pangulong Bongbong Marcos si LTFRB chair Teofilo Guadiz III dahil sa diumano’y korupsyon sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Inakusahan si Guadiz ni Jeff Gallos Tumbado, LTFRB information team head at dating head executive assistant ng opisyal, ng misconduct na may kaugnayan sa PUV modernization program.
Akusasyon ni Tumbado, humihingi ang ahensya ng P5 milyon para maiproseso ang mga request gaya ng pagkuha ng prangkisa, special permit at modification of route.