DAHIL sa hindi kayang i-regulate ng gobyerno ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), nanawagan si Senador Grace Poe na dapat nangi-ban na lamang ito.
“We have to ban POGO. I-ban na natin ang POGO dahil hindi natin sila kayang bantayan. Napapakita natin na ang ating gobyerno ay nahihirapan dahil may mga protektor sila,” pahayag ni Poe sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations at gender equality hinggil sa POGO-related crimes nitong Miyerkules, Hunyo 26.
Anya, malaking sakit lang ng ulo ang POGO sa bansa dahil nagiging “breeding ground” ito ng korupsyon.
“Merong mga legal POGOs, pero ang problema ay pinapaupahan nila ang kanilang mga permits para magamit ng ibang operators,” sabi ni Poe na siya ring bagong chair ng Senate finance committee.
“Sa loob lamang ng higit isang taon, ang illegal activities ng mga POGO ay naging full-blown operations sa loob ng ‘self-contained’ compounds. Binaha tayo ng ebidensya sa kung gaano kabaluktot at kasalimuot ang tunay na mundo ng POGO,” anya pa.
“Nais ko lang sabihin na ipinalalabas nito na may korupsiyon at nanganganak ng korupsiyon at na sasama pa ang mga tao sa gobyerno dito,” dagdag pa ni Poe.