PNP official sinibak matapos makipag-collab kay Rendon

May kamalasan na bitbit ang motivational speaker na si Rendon Labador.

Ito ang obserbasyon ng netizens makaraang sibakin bilang spokesperson ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) si Capt. Michelle Sabino nang makipag-collaborate kay Rendon para sa isang operasyon laban sa lending company sa Makati kamakailan.

Ayon kay ACG Director Brig. Gen. Sydney Hernia, naghahanap na siya ng ipapalit kay Sabino.

“She will be doing other admin duties at HQS ACG while we are looking for somebody who can take over her job as spokesperson,” ani Hernia.

Matatandaan na inireklamo ng mga kaanak ng mga empleyado ng ni-raid na lending company ang ginawang pag-live stream ni Rendon sa operasyon dahil kinunan pati ang mukha ng mga kawani.

Maliban dito, may ilan pang standard operating procedures (SOP) ang nalabag sa pagsalakay dahil sa presensya ni Rendon.

Pinayagan umano ni Sabino ang pagsama ni Rendon sa nasabing raid.

Pinalagan naman ni Rendon ang pagkakasibak ng opisyal.

“Illegal online lending apps ang kalaban hindi kami,” aniya.

“Kung sino pa yung tapat sa trabaho siya pa yung napapasama,” pakikisimpatya naman kay Sabino.