KUNG paniniwalaan ang mga ulat, tatakbo uli bilang konsehal ng Caloocan City ang celebrity mom na si Marjorie Barretto.
Base sa ulat ni Reggee Bonoan ng Bandera, ang inisyal na plano ni Marjorie ay sumabak bilang kongresista.
Pero nagbago umano ng desisyon ang ina ni Julia Barretto nang malaman na kailangan niyang gumastos ng P80 milyon para sa kampanya.
“Hindi kaya ni Marjorie ang gastos sa pagkakongresista kaya umatras at lumapit daw kay 1st District of Caloocan Representative Oca Malapitan at nagkasundong balik-konsehala na lang siya sa distrito ng huli,” ani Bonoan sa kanyang kolum.
Kinuwestiyon naman ng ilang taga-Caloocan ang plano ni Marjorie dahil anila ay taga-Quezon City ang dating aktres, dagdag ng kolumnista.
“Paano siya tatakbo kung hindi siya tagarito? Di ba sa Ferndale Village siya nakatira sa Quezon City? Sa Barangay Pasong Tamo ‘yun kaya hindi na sakop ng Caloocan,” ayon sa isang nakausap ni Bonoan.
Ayon pa sa kumukuwestiyon sa pagtakbo ni Marjorie, taga-Caloocan ang dating asawa ng aktres na si Dennis Padilla.
“Gamit niyang address ‘yung kay Dennis. E ngayon, wala na sila ni Dennis, kaninong address ang gagamitin niya?” tanong pa nito.
Matatandaang naging konsehala ng ikalawang distrito ng Caloocan mula 2007 hanggang 2013.