ISANG Pinoy ang binitay sa Saudi Arabia nitong Oktubre 5 dahil sa kasong murder.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Martes, wala pang opisyal na notification na ibinibigay ang Saudi government ngunit kumpirmadong meron ngang pagbitay na ginanap.
“We did all we could: appeal, presidential letter of appeal, trying to get the victim’s family to accept blood money… no go,” pahayag ni DFA Undersecretary for Migration Eduardo Jose de Vega sa Philippine News Agency.
Hindi naman tinukoy ni de Vega ang Pinoy base na rin anya sa request ng pamilya nito.
Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ni Philippine Embassy in Riyadh Chargé d’affaires Rommel Romato na ginawa ang pagbitay sa Pinoy nang hindi inaabisuhan ang embahada o ang pamilya ng binitay base sa “in accordance with local procedures”.
Binitay ang Pinoy dahil sa pagpatay nito sa isang Saudi national bunsod sa away sa pera.