KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Biyernes na isang Pinoy ang kabilang sa 110 kataong nasawi sa malaganap na wildfire sa Hawaii.
Kinilala ang Pinoy na si Alfredo Galinato.
“He was a naturalized US (United States) Citizen from Ilocos. We are assisting the family,” ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega
Tiniyak din ni De Vega na nagpahatid na rin ng tulong ang Philippine Consul General sa Honolulu sa 66 na Pinoy sa Wailuku na apektado ng wildfire sa Maui.
Umabot na sa 110 katao ang nasawi sa wildfire na Maui noong isang linggo. Inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga apektado sa nasabing sunog dahil sa tuloy-tuloy na search operation.
Ito ang sinasabing pinakamalalang wildfire na naitala sa Estados Unidos. Sinasabi na sadyang napakabilis ng pagkalat ng apoy na maihahambing sa bilis ng takbo ng isang sasakyan sa highway.