UMABOT sa $8.1 bilyon or P460 bilyon ang nawala sa mga Pilipino sa nakalipas na 12 buwan busnod na text scam, ayon sa pag-aaral na ginawa ng Global Anti-Scam Alliance (Gasa).
Marami anya ang nabudol dahil sa mga magagandang offer na inilalako via text na kinakagat naman ng maraming Pinoy.
Ayon pa sa pag-aaral na ginawa ng Gasa na may titulong”The State of Scams in the Philippines,” tinatayang kada Pinoy ay nabubudol ng $275 o P16,000 ng mga scammers.
Sa sinurvey ng grupo, 39 porsyento ang nagsabi na nawalan sila ng pera dahil sa pambubudol habang tatlong porsyento lamang ang narekober ang kanilang pera. Nasa 78 porsyento naman ang bigong maibalik sa kanila ang kanilang pera.
Sa mga inusisa, marami ang nagsabi na makailang beses silang nakatanggap ng text scam.
Kadalasan ang mga text scam ay pinadadala sa mga unsuspecting victims na madaling naeengganyo na pindutin ang links na ipinadadala sa kanila. Kadalasan sa mga ito ay nag-aalok ng pekeng job opportunities, lotto winning at iba pang panggagantso.
Sandaling mabuksan ang link, samu’t sari ang tanong nito na kadalasan ay naibibigay ng biktima ang mga importanteng detalye ng kanyang pagkatao, kabilang na ang bank details.