Pinoy na walang trabaho lalong dumami noong Abril

LALONG lumobo ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho nitong Abril 2025, ayon sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang press briefing nitong Biyernes, iniulat ni National Statistician Claire Dennis Mapa na tumaas sa 2.06 milyon ang bilang ng mga walang trabaho na may edad 15 pataas, mula sa 1.93 milyon noong Marso 2025.

Kung ikukumpara sa datos noong Abril 2024, nadagdagan ng 23,000 ang mga jobless o walang trabaho ngayong taon mula sa dating 2.04 milyon.

Batay sa kabuuang 50.74 milyong kalahok sa labor force — mga aktibong naghahanap ng trabaho sa nasabing panahon — ang bilang ng mga walang trabaho ay katumbas ng 4.1 porsyentong unemployment rate, mas mataas kaysa 3.9 porsyento na naitala noong Marso at 4 porsyento noong Abril ng nakaraang taon.

“Dumami kasi ang mga kasama sa labor force, labor force participation, so siya ‘yung factor… ‘pag tumataas ang labor force participation, hindi naman lahat na-absorb para maging employed persons,” paliwanag ni Mapa.

Tumaas ng 340,000 ang bilang ng mga kalahok sa labor force kumpara noong Abril 2024, at nadagdagan ng halos 780,000 kumpara noong Marso 2025 na may 49.96 milyon.

Sa 340,000 na dagdag sa labor force year-on-year, tinatayang 317,000 ang nakapasok sa trabaho habang 23,000 ang hindi pa rin natanggap.