KABILANG ang Pinay na nakabase sa Riyadh, Saudi Arabia sa mahigit 900 katao na nasawi dahil sa matinding init sa gitna ng hajj pilgrimage, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“So far, only one female Riyadh-based Filipino pilgrim died of natural causes (heatstroke) in Makkah,” ani DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa pahayag.
Dagdag niya, inilibing ang babae nitong Miyerkules. Napag-alaman sa opisyal na mayroong 5,100 Pilipino na dumalo sa hajj.
Nagpadala na ng team ang DFA sa Saudi Arabia para tumulong sa Philippine Embassy sa pagmomonitor at paggabay sa mga Pinoy na makikiisa sa hajj.
Nitong Lunes ay pumalo sa 51.8 degrees Celsius ang temperatura sa Mecca, ang pinakabanal na siyudad sa mga Muslim.