ISANG lapel pin tinanggap ni Pangulong Bongbong Marcos mula sa isang lalaki na nagpa-selfie sa kanya sa isang event na dinaluhan ng lider kamakailan, taliwas sa nais ipalabas ng kumakalat na blurred video na ito ay isang sachet ng drugs.
Sa fact-checker ng Presidential Communications Office (PCO) na “Maging Mapanuri”, nag-post ito ng video na nagdedetalye na isang “disinformation” ang ipinakakalat na video na drugs ang tinanggap ni Marcos mula sa isang lalaki na nagpa-selfie sa kanya.
“Ginagamit ng ilang indibidwal ang ganitong uri ng content upang magpalaganap ng maling naratibo,” ayon sa PCO.
“Kapag ang isang video o larawan ay ibinahagi ng wala sa tamang konteksto, nagiging madali para sa ilan na mapaniwala ang publiko sa maling impormasyon. Sa comment section pa lang, mapapansin agad ang mga haka-haka at opinyon ng mga netizen,” dagdag pa nito.
Inilabas din ng PCO ang mas malinaw na kopya ng video na nagpapakita sa lalaki na bago magpa-selfie ka Marcos ay may inabot ito sa huli habang nakikipagkamay. Tinaggap naman ito ni Marcos at saka ibinulsa.
Isa umano itong lapel pin na may simbolo ng kanilang political party.
Inilabas din ng PCO ang screenshot ng lalaki na nakilalang si Ferdinand Arthur Tupaz, may-ari ng El Oro Medallic Engraver Corp, na involved sa paggawa ng medal, lapel pin at commemorative coin.