‘Piliin Mo Ang Pilipinas’ entry ni Vice tinanggalan ng sound

UMABOT na sa humigit-kumulang 4 million views ang video ng pagkasa ni “It’s Showtime” host Vice Ganda sa “Piliin Mo Ang Pilipinas” TikTok trend.

Nitong Biyernes ay agad naging hot topic ang “socially relevant” entry ni Vice sa pinakabagong TikTok trend nang i-upload ito.

Gayunman, makaraan ang ilang oras ay tinanggalan ito ng sound ng TikTok.

“1 Million views agad agad on tiktok kahit namute ang sound. Ok lang na walang music ang mahalaga marinig ang mensahe. Zenkyoooooow Madlang People!!!!” hindi naman nagpatinag na pahayag ni Vice.

Maliban sa makeup transformation, ipinakita ni Vice sa video ang ilang mahahalagang isyu at problema ng bansa.

Kabilang dito ang matinding trapik sa Edsa at ang polusyon na dulot nito, mga kilos-protesta, ang resort sa Chocolate Hills at ang girian ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Sa bandang huli ng video ay nag-iwan si Vice ng mensahe habang iwinawagayway ang bandera ng bansa: “Kahit mahirap kang ipaglaban, pinipili pa rin kita, Pilipinas.”