PhilHealth nahimasmasan: P37.5M budget sa payong, t-shirt, jacket hindi itutuloy

KINATAY ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Board of Directors (Board) ang planong paggasto ng P37.5 milyon na marketing at promotional expenses para sa nakatakda nitong ika-30 anibersaryo.

“The PhilHealth Board of Directors reviews and decides on proposals coming from the PhilHealth Management, such as the marketing and promotional expenses for the official events of the corporation,” ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, na siya ring chair ng PhilHealth board.

Nakarating anya sa kanila ang proposal ng PhilHealth management tungkol sa gastusin nitong Dis. 16, sa kasagsagan ng kontrobersya hinggil sa hindi pagbibigay ng budget sa naturang tanggapan sa 2025.

“The Board will always prioritize the benefits of PhilHealth members,” ayon kay Herbosa.

Balak sana ng PhilHealth na gumastos ng P37.5 milyon para sa collaterals gaya ng payong na nagkakahalaga ng P7,910,550; perforated mesh stickers, P7,300,000; tote bags na P1,820,000; anniversary shirts na P3,640,000; marketing shirts naP1,940,000; jackets na P13,650,000; katsa (cloth) bags na P750,000; at button pins na P545,000.

Nanawagan din si Herbosa sa state insurer na pahalagahan ang financial responsibility upang makapagtipid at unahin ang benepisyo para sa mga miyembro nito.