“WHAT they did was piracy, pambabastos, panggagago, barbaric. I call them a band of barbarians and in the first place they have no right to wear the uniform.”
Ganito inilarawan ni Philippine Navy Spokesman Commodore Roy Vincent Trinidad ang pinakahuling pambu-bully na ginawa ng China Coast Guard sa Pilipinas na ikinasugat ng isang personnel ng Navy.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na hinding-hindi mapo-provoke ng mga “barbaric” na Tsino ang Pilipinas para unang magpaputok habang nasa gitna ng komprontasyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Trinidad, walang karapatan na isuot ng mga nasabing Tsino ang uniporme ng Coast Guard dahil sa asal pirata ang mga ito nang harangin ang resupply mission ng tropa ng Pilipinas para sa BRP Sierra Madre sa pamamagitan ng pagbundol sa kanilang mga sasakayan.
Bukod dito gumamit pa ng mga bladed weapons at akyatin ang mga sasakyan ng Pinoy, isang taktika para i-provoke ang tropa ng Pilipinas na unang magpaputok.
Ayon sa opisyal muli silang babalik sa Ayungin Shoal para sa isa pang rotation ang resupply (RORE) mission, at inaasahan umano nila ang muling pambu-bully na gagawin ng China.
“Coast guard men are supposed to be responsible for safety of life at sea. Their actions endanger life at sea. It does not speak well of a country that want to be a global power,” ayon pa kay Trinidad.