INIUUGNAY kamakailan ng ilang mambabatas sa destabilisasyon ang sinasabing “PDEA leak” na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilegal na paggamit ng droga.
Kinuwestyon din ng mga ito ang ginawang pag-accommodate sa nasabing kuwestyunableng mga dokumento sa isang pagdinig sa Senado.
“I think it becomes even more clear now na itong mga pangyayaring ito ay kaparte ng isang mas malaki pang effort to discredit and destabilize the current administration,” ayon kay Tingog Partylist Rep. Jude Acidre sa isang press conference kamakailan sa Kamara.
Nagtataka anya siya kung bakit binigyang-daan at gawing resource person ang dinismis na pulis at miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Jonathan Morales, para sa pagdinig hinggil sa 1.4 toneladang shabu na nagkakahalaga ng P9.68 bilyon na nakumpiska sa Alitagtag, Batangas.
Bakit anya inimbitahan si Morales ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa gayong wala naman itong kinalaman sa nangyaring operasyon sa Batangas.
Sa isinagawang pagdinig, tiniyak ni Morales na hindi peke ang 2012 documents na iniuugnay kay Marcos na noon ay isang senador at aktres na si Maricel Soriano, na dumidetalye sa kanilang pagkakasangkot sa paggamit ng ilegal na droga.
Mariin namang itinanggi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ang pahayag ni Morales. Anya walang mga ganitong dokumento at pawang mga fabricated lamang ang mga ito.
Kinuwestyon din ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang paglantad ni Morales sa nasabing pagdinig lalo pa’t meron anya itong “very shady past” habang nasa pulisya.
Giit pa ni Barbers, maski anya si dating PDEA Chief Arturo Cacdac ay kinaiinisan ang “dishonesty” ng sinibak na pulis.
Maging sina Deputy Majority Leader at Isabela Rep. Faustino Dy, and Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Amparo Maria Zamora ay kinukwestyong ang kredibilidad ng testimonya ni Morales.
“Dapat ang tatalakayin nung panahon na ‘yun ay ‘yung na-seize na 1.4 tons na shabu pero umabot na pinag-uusapan na ‘yung supposedly leaked PDEA documents, which are so easy to fabricate nowadays,” ani Dy.
“Wala sa kahit anong record ng PDEA ‘yung ganong dokumento. So, obviously the document doesn’t exist,” pahayag naman ni Zamora.