NAIS malaman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula kay dating pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang ikinumpromiso nito sa “secret agreement” nito sa China.
Sa press conference sa Washington DC, mayroon siyang tatlong gustong malaman ukol sa pinasok na kasunduan ni Duterte: Mayroon ba talagang kasunduan? Ano ang laman ng kasunduan? Bakit ito inilihim?
Matatandaang inamin ng Chinese Embassy sa Maynila na dahil sa “gentleman’s agreement” ay napanatili ang kapayapaan sa Ayungin Shoal.
“The first question that I have is clear so now, we need to know, what did you agree to? What did you compromise? Ano ‘yung pinamigay n’yo?” ani Marcos.
“Bakit nagagalit sa atin ang mga kaibigan natin sa China dahil hindi kami sumusunod? Ano ‘yung dapat naming gawin? Ano ‘yung laman noong secret agreement na ‘yan?” dagdag niya.
Bago lumipad pa-US ay sinabi ng Pangulo na hinintay niya si Chinese Ambassador Huang Xilian na bumalik ng Pilipinas para ipaliwanag ang tungkol sa kasunduan.
Dagdag niya, nagimbal siya nang malaman na may kasunduang pinasok si Duterte sa China.
“Tawag nila ‘gentleman’s agreement.’ Tawag ko diyan secret agreement. Hindi namin alam, walang dokumento. Hindi ko nga maintindihan, very experienced lawyer si President Duterte. E ang abogado, gusto nila lahat nakasulat ‘yan e. Bakit walang nakasulat na kahit isang papel? Bakit walang walang announcement? Nothing. Bakit hindi nila sinabi?” sunod na tanong ni Marcos.
“Why is it secret? Because don’t tell me it was just an oversight na hindi nasulat, e deliberate ‘yung hindi sinulat. Deliberate ‘yun. Somehow it was decided in the last administration that we will not announce it to the Filipino people, therefore it is a secret agreement,” sabi pa niya.
Ipinagtataka rin ng Pangulo kung bakit hindi siya sinabihan ng nakaraang administrasyon ukol sa kasunduan nito sa China nang maupo siya sa puwesto.
“Wala tayong usapan at ‘yung nakaraang administrasyon, wala silang sinasabi sa amin tungkol diyan, so papano namin magagawa kung gusto namin sundan, kung ayaw naming sundan, hindi namin alam,” paliwanag niya.
“Whatever policy we took vis-a-vis South China Sea, West Philippine Sea, was just continuing our foreign policy of maintaining the peace and promoting the national interest,” hirit pa ni Marcos.
Ipinunto niya na bago pumasok sa isang kasunduan ang isang estado sa isa pang estado ay ibinabahagi ito sa taumbayan at kailangan munang ratipikahan ng Senado.
“It should be known by all the local officials. It should be known by everyone because in that way, you’re accountable. If it’s a bad decision, you’re accountable, sasabihin ‘mali ‘yung ginawa ninyo,’ ‘di ba? Ano ba ang tinatago mo bakit di niya sinabi? What are you hiding? Why was it secret?” sambit pa ng Pangulo.