SUMURENDER sa otoridad ngayong araw, Setyembre 26, ang PBA player na si John Amores at kapatid na lalaki ilang oras makaraang paputukan ang isang taga-Lumban, Laguna nitong Miyerkules.
Ayon sa ulat, ala-1 ng madaling araw nang boluntaryong sumuko ang magkapatid na Amores sa Lumban police kasama ang kanilang kapatid na barangay chairman sa bayan ng Pagsanjan.
“Nag-voluntary surrender po [sila] dito sa ating station dahil nagkakaroon na nga raw po sila ng threat sa kanilang buhay. Sa kanila pareho,” ani Maj. Bob Louis Ordiz, hepe ng Lumban Police, sa isang panayam.
Bago ito, kinilala si Amores na suspek sa pamamaril sa Brgy. Maytalang Uno nitong Miyerkules ng hapon.
Sakay ang PBA player sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang 20-anyos na kapatid. Hindi naman nasugatan ang biktima sa insidente at wala ring nadamay na iba. Napag-alaman na away sa basketball ang ugat ng pamamaril.
“Nagkaroon ng dayo sa Barangay Salac. Meron silang tawag na hindi napagkasunduan. Nagsimula doon sa hindi pagkakasunduan then nagkaroon ng hamunan ng suntukan hanggang umabot sila sa Barangay Maytalang at doon sila nagpang-abot. Naghamunan ulit ng panibagong suntukan.
Si John Amores ay may dala ng baril at pinaputukan na itong ating victim,” pahayag ni Ordiz.
Isasailalim sa inquest proceeding ngayong araw ang magkapatid na Amores na inireklamo ng attempted murder.