PBA player itinangging nanuhol sa Edsa Busway

TODO-TANGGI ang PBA player na si Raymond Almazan na tinangka niyang suhulan ang mga taga-Special Action and Intelligence Committee for Transportation na humarang sa kanya nang dumaan siya sa Edsa Busway kamakailan.


Ani Almazan, inakala ng kanyang misis na maaari na silang magbayad agad-agad sa mga taga-SAICT para sa violation.


“Yung wife ko kasi akala niya puwede naming bayaran ‘yung violation about that. She’s giving me two P500 na sabi niya bayaran ko na raw para makaalis na kami,” ani Almazan sa isang panayam.


“Kasi nga akala niya mababayaran namin ‘yung violation namin on the spot,” sabi pa ng basketbolista.
Gayunman, humingi ng paumanhin si Almazan sa pagdaan sa Edsa Busway.


Sa video na ipinost ng ahensya, makikita si Almazan na inaabutan ng pera ang isang SAICT officer.


Hindi naman tinanggap ng kawani ang iniaabot ni Almazan, center player ng Meralco Bolts, at itinuloy ang pagtiket dito.


Dalawa ang violation ng player: disregarding traffic sign at failure to carry OR/CR.


Si Almazan ang pinakabagong personalidad na naharang sa Edsa Busway. Nauna na rito sina dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, driver ni Sen. Chiz Escudero, at isang nagpakilalang kapamilya ng military official.