Patrol car umiwas sa aso, sinuwag 2 motorsiklo

SUGATAN ang pulis nang bumangga sa nakaparadang motorsiklo ang minamaneho niyang patrol car makaraang umiwas sa aso na nasa gitna ng kalsada sa Puerto Princesa City, Palawan nitong Miyerkules.

Wala namang tinamong sugat ang dalawa pang alagad ng batas na sakay ng patrol car.

Ayon sa ulat, binabaybay ng mga pulis ang Brgy. Sta. Lourdes alas-3 ng madaling araw nang tumawid ang isang aso.

Saktong nawalan umano ng preno ang sasakyan kaya nawalan ng kontrol ang driver na si MSgt. Roderick Evina, 43, at sumadsad sa kaliwang bahagi ng kalsada bago sumalpok sa mga nakaparadang motorsiklo.

Nadala naman agad sa pagamutan si Evina na nasugatan sa ulo.

Napag-alaman na patungo ang mga pulis, na nakatalaga sa Taytay, Palawan, sa isang physical fitness event na gagawin sa Puerto Princesa nang maganap ang aksidente.