SINUSPINDE ng Malacañang ang pasok sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno sa Miyerkoles, Marso 27, simula alas-12 ng tanghali.
Layon ng Memorandum Circular No. 45, ayon sa Palasyo, na mabigyan ang mga kawani ng gobyerno ng sapat na panahon para makapaglakbay patungo sa kani-kanilang mga lalawigan para doon gunitain ang Semana Santa.
“To provide government employees full opportunity to properly observe Maundy Thursday and Good Friday, work in government offices on 27 March 2024 is hereby suspended from 12:00 o’clock in the afternoon onwards,” ayon sa circular na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Hindi sakop ng circular ang mga tanggapan na ang mandato ay maghatid ng health at emergency services. Ipinapaubaya naman ng Malacañang sa mga pribadong kumpanya ang pagpapasya kung magtatakda rin ang mga ito ng half day sa pasok ng kanilang mga empleyado.