SINAKSIHAN ng daan-daang residente ang pagpapailaw sa higanteng Christmas tree at mga parol sa city hall ng Mandaluyong City nitong Lunes ng gabi.
Ang pagpapailaw ang naging hudyat ng pagsisimula ng Paskuhan sa Mandaluyong, ang tinaguriang “Tiger City.”
Muling ibinalik ng pamahalaang lungsod ang tradisyunal na pagsalubong sa kapaskuhan matapos ang tatlong taon. Itinigil ito noong kasagsagan ng pandemya.
Pinangunahan ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos ang seremonya kasama sina Vice Mayor Menchie Abalos at Rep. Neptali “Boyet” Gonzales.