ASAHAN na mas marami pang bibiyahe pa-abroad o kahit sa mga probinsiya sa mga susunod na buwan dahil bababa pa ang pamasahe sa eroplano sa Oktubre bunsod ng year-low fuel surcharge, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB).
Dahil dito, asahan na rin ang pagsipa ng tourism sa bansa ngayong papalapit na kapaskuhan.
Sa huling advisory, sinabi ng CAB na ibinaba ang fuel surcharge sa Level 4 sa Oktubre mula sa kasalukuyang Level 5.
Mula sa P151 hanggang P542 na Level 5 rates na fuel surcharge para sa domestic flights magiging P117 hanggang P342 ito; habang P385.70 to P2,867.82 para sa international flights mula sa kasalukuyang P498 hanggang P3,703.11.
Ang nasabing fuel surcharge na ito ang siyang pinakamababa simula ng Agosto 2023, nang ibaba sa Level 5 mula sa dating Level 6.
Ang fuel surcharge ay ang karagdagang ibinabayad sa mga airlines para makarecover sila sa mga fuel costs. Ito ay bukod sa actual na presyo na ibinabayad ng kada pasahero para sa kanilang pasahe.