PANIBAGONG transport strike ang ikinasa ng isa pang grupo ng mga tsuper at operator kaugnay sa nalalapit na Dec. 31 deadline para sa mga public utility vehicles na i-consolidate sa kooperatiba o korporasyon ang kanilang mga sasakyan bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sinabi nitong Martes ni Mar Valbuena ng grupong Manibela, na isasagawa nila ang tatlong araw na tigil-pasada sa buong bansa simula ngayong Miyerkules Nov. 22 hanggang Biyernes, Nov. 24.
Ang grupo na may 150,000 hanggang 200,000 miyembro sa buong bansa ay lalahok sa kilos-protesta, partikular na sa mga lugar sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Central Visayas, Western Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Bago pa ang iknasang transport strike, nauna na ring nagsagawa ng three-day strike ang militanteng grupong PISTON na ngayong araw ang pagtatapos.
Sa kabila nito, minaliit naman ng ilang ahensiya ng pamahalaan ang isinagawang protesta na anila ay hindi naman naramdaman.