ININTRIGA ng ilang residente ng Quezon City ang tarpaulin ng aktor at city councilor na si Alfred Vargas na nakasabit sa labas ng isang paaralan kung saan may ginaganap na graduation.
Klinaro naman ng mga residente na hindi ang tanggapan ni Vargas, konsehal ng District 5 sa QC, ang naglagay ng tarpaulin kundi ang mga “supporters” nito.
Naispatan ang tarpaulin sa labas ng isang paaralan sa Brgy. Pasong Putik sa Novaliches.
“Congratulations! Hon. Councilor Alfred Vargas for winning FAMAS Award Best Actor, Pieta, 2024. We are proud of you. From: Solid Friends of Barangay Pasong Putik,” ang mababasa sa tarpaulin.
Ayon sa isang residente, sumabay ang tarpaulin ni Vargas sa mga tarpaulin ng iba pang opisyal ng siyudad na bumabati sa mga graduates.
“Ano naman ang kinalaman ng pagkapanalo niya sa graduation ng mga estudyante?” tanong ng isang residente.
Matatandaan na nagwagi si Alfred bilang Best Actor para sa pelikulang “Pieta” sa ginanap na 72nd Famas Awards nitong Linggo. Naka-tie niya si Piolo Pascual para naman sa “Mallari.”