IBINASURA ng piskalya sa San Pablo City ang kasong kidnapping at illegal detention laban sa dating pulis na si Allan de Castro at driver-bodyguard nito kaugnay ng pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Sa resolution na inilabas noong Abril 23, sinabi ng regional prosecutor na walang sapat na basehan ang kaso laban kay De Castro at sa driver-bodyguard nito na si Jeffrey Magpantay.
Bagamat inamin ni De Castro ang kanyang relasyon kay Camilon, itinanggi niya na may kinalaman siya sa pagkawala ni Camilon.
Dismayado naman ang pamilya Camilon sa pagbasura sa kaso.
“Mahirap siyempre. Wala naman kaming ibang inaasahan kundi ‘yung magkaroon ng magandang resulta ito, tapos ganito,” ayon sa ina ni Catherine na si Rose.
Maghahain ng motion for reconsideration ang Philippine National Police- Calabarzon.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, si De Castro ang huling kasama ni Camilon bago ito napaulat na nawawala noong nakaraang Oktubre sa Batangas.
Sinabi ng mga testigo na nakita nila si Magpantay at dalawang iba pa na may inililipat na babaeng walang malay sa isang sasakyan.