Palasyo sa LGUs: Benta ng NFA rice wag nang tubuan pa

PINAYUHAN ng Malacañang ang mga local government units (LGUs) na ibenta na lang ng P33 kada kilo ang NFA rice imbes na P35 kada kilo.

Ito anya ay para higit na mapagaan ang pasanin ng mga mamimili, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro nitong Sabado.

“Sa akin lang, para maramdaman ng taumbayan, derecho. Tutal, ang balak naman din ng LGUs like San Juan is PHP33, eh di sana derecho na. Binenta naman nila ng PHP33 kada kilo. I-derecho na sa taumbayan na PHP33. Kasi kung idadaan pa iyan, may layer na naman, pag dumaan sa system layer na naman, PHP35 ibebenta. Napamahal na naman ng PHP2,” pahayag ni Castro.

“Sa atin lang, ang advice ko sa LGUs, kung napakasipag niyo na at kung ang mayor niyo ay napakasipag, doblehin niyo na pa ang sipag, para kung ang presyo mismo, kung PHP33 ang kuha niyo sa NFA, aba’y PHP33 niyo na ibenta,” dagdag pa nito.

Una nang inilarga ang bentahan ng NFA rice sa San Juan City na ibinebenta ng P33 kada kilo at P1,650 naman sa kada 25-kilong sako.