TILA hindi makapaniwala ang Malacanang sa latest survey na nagsasabi na mas dumami ang bilang ng Pinoy ngayon na nakararanas ng gutom sa kabila ng maraming proyekto ng pamahalaan na tumutugon sa problema ng kahirapan sa bansa.
Sa press briefing nitong Lunes sa Palasyo, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na inaalam na nila ngayon kung saan nanggagaling ang sinasabing maraming bilang ng mga Pinoy ang nagugutom.
“Aaralin natin kung saan nanggagaling itong mga sinasabi na nagugutom pa ang ibang mga kababayan natin at para malaman natin kung saang lugar ito mayroon man pagkukulang ay maibsan natin ang ganitong klaseng sitwasyon,” pahayag ni Castro.
Base sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations, lumubo sa 27.2 porsyento ang bilang ng mga Pinoy na nakaranas ng gutom, pinakamataas simula noong 2020 kung saan ipinatupad ang lockdown dala ng Covid-19 pandemic.
Mas mataas ito sa 21.2 porsyento noong Pebrero at 15.9 porsyento noong Enero.
Ayon kay Castro, maraming programa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tutugon sa problema ng kagutuman, gaya ng food-stamp program na nagbibigay ng P3,000 buwanan para sa tulong sa pagkain.
Nariyan din anya ang Walang Gutom Kitchen na nagbibigay ng libreng mainit na pagkain sa mga pamilya sa lansangan na nasa Pasay City, at Kusinero Cook-Off Challenge at iba pa.